Ilan sa mga opisyal ng Nacionalista Party sa Kamara ang nagpahayag ng buong suporta kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa liderato ni Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang pamumuno ni Speaker Romualdez ay may direksyon at malinaw na layunin para sa ikabubuti ng lahat.
Siya rin mismo ang nangunguna sa pagbibigay diin sa pagkakaisa at pagtutulungan ng mga political parties sa Kapulungan.
Dagdag naman ni Las Piñas Rep. Camille Villar, ang masipag at masinsin na trabaho ng House Speaker ang gumagabay sa kanilang mga mambabatas para maipasa ang mga batas na may tunay na benepisyo sa ating mga kababayan.
Ito aniya ang dahilan kung bakit 60 nsa kabuuang 64 Common Legislative Agenda (CLA) ang napagtibay sa Kamara kabilang ang SIM Registration Act, Maharlika Investment Fund Act at Regional Specialty Hospitals Act na pawang mga batas na.
Gayundin ang pag-apruba sa 27 na panukala mula sa 28 LEDAC priority measures tulad ng Anti-Financial Accounts Scamming Act, VAT on Digital Transactions at Self-Reliant Defense Posture Act.
Sabi naman ni Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona na hindi lamang ito tungkol sa dami ng naipasang batas kundi sa kalidad at benepisyo ng mga ito sa sambayanang Pilipino
Kaya naman sa nakatakdang pagbabalik sesyon ng Kongreso sa susunod na linggo, siniguro ng mga mambabatas mula NP na patuloy silang magiging katuwang ni PBBM at Speaker Romualdez sa pagpapasa ng mga batas na may direktang pakinabang para sa mga Pilipino para maisakatuparan ang minimithi na Bagong Pilipinas. | ulat ni Kathleen Forbes