Masyado pang maaga upang masabi na incursion o panghihimasok sa territorial waters ng Pilipinas ang na-recover na underwater drone sa Masbate.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni National Security Council (NSC) ADG Jonathan Malaya na hindi pa kasi tapos ang imbestigasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung saang bansa nagmula, at kung ano ang ginagawa ng drone sa teritoryo ng Pilipinas, maging kung ano ang mga vessel na dumaan sa lugar.
“Well, lumalabas doon sa initial na pagtingin natin dito sa drone ito, this is unmanned drone ‘no, it is a reconnaissance and surveillance drone. That’s based on our early assumptions. Iyon pa lamang iyong masasabi natin sa publiko as of now.” —Malaya.
Mainam aniya na hayaan muna ang pamahalaan na tapusin ang ginagawa nitong imbestigasyon, bago magpahayag ng konklusyon.
“As of now, ang imbestigasyon ng Armed Forces of the Philippines ay ongoing pa at hindi pa natin masasabi kung itong drone ba ito ay nanggaling sa isang partikular na bansa.” —Malaya.
Pangako ni Malaya, aalamin nila ang impormasyon sa likod ng na-recover na drone, lalo’t posible itong mayroong implikasyon sa seguridad ng bansa.
“Inaalam talaga natin iyong puno’t dulo nito ‘no, kasi mayroon itong national security implication. Very obviously itong drone na ito is used for reconnaissance and surveillance, so it’s imperative for the Philippines to determine kung saan ito nanggaling at anong ginagawa nito sa loob ng ating archipelagic waters. ” —Malaya.
Sila sa NSC, nakikipag-ugnayan na aniya sa kanilang foreign counterpart, para sa ikabibilis ng imbestigasyon. | ulat ni Racquel Bayan