Umaapela si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng local officials na maging katuwang ng national government sa paglilingkod sa mga Pilipino nang may pinakamataas na antas ng integridad, kaakibat ng pagiging responsable, at matinding adhikain na makapagsilbi sa bansa, nang naka-angkla sa mabubuting pamumuno.
Kung sa ganitong paraan kasi maglilingkod ang bawat local leaders, ayon sa Pangulo, makasisiguro ang publiko na hindi maliligaw at mananatili sa tamang landas ang pamumuno ng isang elected official.
“Kaya naman ang aking panawagan ay masusi ninyong pag-aralan ang bawat programa at proyekto na inyong ipapatupad; planuhin nang maayos ang pagpapatupad ng mga ito; at tapusin at maumpisahan sa tamang schedule, lalong-lalo na ang mga priority development project. Tiyakin natin na ang mga susunod na henerasyon ay makikinabang sa ating mga nasimulang pagbabago.” —Pangulong Marcos
Sa harap ng local officials sa Cebu (January 30), sinabi ng Pangulo na dapat masusing pag-aralan ng mga ito ang bawat proyekto at programa na kanilang ipatutupad sa kanilang nasasakupan.
Pinatitiyak rin ng Pangulo sa mga local leader na ang benepisyo ng mga programang ito, mararamdaman hanggang sa mga susunod pang henerasyon ng mga Pilipino.
Dapat aniyang planuhin nang maayos, umpisahan at tapusin ang mga ito sa itinakdang panahon, lalo na ang mga priority development projects ng gobyerno.
“We cannot stress this enough but let us always, let us always serve with integrity, with responsibility, and passion in our hearts. I know that if we are guided by the highest ideals of good governance, we can never go astray.” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan