Muling nagkasa ng Oplan Baklas ang Quezon City Local Government sa mga poster ng pulitiko na nakapaskil sa mga ipinagbabawal na lugar, alinsunod na rin sa City Ordinance No. SP-2021 S-2010.
Ngayong Martes, sinuyod ng mga tauhan ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ang kahabaan ng Corregidor at Ilocos Sur Street sa Bago Bantay pati na ang Sct. Torillo sa Kamuning, kung saan pinagbabaklas ang mga poster ng pulitiko na nakakabit sa mga puno, poste at kawad ng kuryente.
Nakahilera pa at nag-ala banderitas ang ilan sa mga tarpaulin na bumabati ng Happy Fiesta sa Bago Bantay.
Panawagan ng DPOS sa mga kumakandidato, huwag samantalahin ang mga okasyon gaya ng fiesta para ibalandra ang kanilang mga mukha at pangalan.
Lubhang delikado rin daw ito para sa mga motorista at maaari pang pagmulan ng sunog.
Sa inaasahan namang pagsisimula ng campaign period sa Pebrero, pinaalalahan ang mga kandidato na ikabit lang ang kanilang mga election paraphernalia sa designated common poster areas sa lungsod.
Ididiretso na ang mga nakumpiskang poster sa dating Manila Seedling Bank na nasa Agham Rd. | ulat ni Merry Ann Bastasa