Pormal nang ipinagkaloob ng National Housing Authority ang mga housing unit sa 23 pamilyang Sibugaynon sa Imelda, Zamboanga Sibugay.
Ang mga iginawad na pabahay ay bahagi ng 55-unit ng San Jose Village Resettlement Housing Project.
Pinangunahan ni NHA Region 9 Manager Engr. Al-Khwarizmi Indanan ang pamamahagi ng pabahay sa mga benepisyaryo.
Kanya ding tiniyak na prayoridad ng ahensya na mapondohan sa lalong madaling panahon ang mga nalalabing pabahay para sa iba pang pamilyang benepisyaryo.
Nagpasalamat naman ang local government unit sa NHA dahil sa walang patid na suporta at dedikasyon sa pagbuo ng proyekto.
Nagpaalala rin ang LGU sa mga pamilya na maging responsableng may-ari, kasabay ang paghimok na pangalagaan ang kanilang bagong tahanan at komunidad.| ulat ni Rey Ferrer