Tapos nang ma-autopsy ng National Bureau of Investigation ang mga labi ng Overseas Filipino Worker na si Jenny Alvarado.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na inaasahang mailalabas ang resulta ng autopsy report sa mga susunod na araw.
Ginawa nila ito upang matiyak kung may nangyaring foul play sa pagkamatay ni Alvarado sa bansang Kuwait.
Inatasan na rin ng kalihim ang kanilang abogado sa nasabing bansa kung anong kaso ang maisasampa sa service provider na nagkamali sa pagpapadala ng mga labi ng OFW sa bansa.
Maging ang employer ng Pinay OFW ay tinitingnan din ang posibilidad na masampahan ng kaso.
Sabi pa ni Cacdac, nagpaabot na ng kaukulang tulong ang DMW at OWWA sa pamilya ng OFW.
Matatandaang namatay si Alvarado, sa isang bahay bakasyunan ng kanyang amo dahil sa suffocation. | ulat ni Rey Ferrer