Pagbaba ng Sulit Rice at Nutri Rice sa Kadiwa centers, istasyon ng tren, at ilang pamilihan, aarangkada na ngayong Enero

Facebook
Twitter
LinkedIn

Asahan na ang pagbaba ng nasa P35 to P36 na halaga ng kada kilo ng bigas sa Kadiwa ng Pangulo Centers, ilang piling pamilihan, at mga istasyon ng train.

Ito ayon kay Agricuture Assistant Secretary Arnel de Mesa ay dahil ngayong Enero, ilulunsad na ang Sulit Rice at Nutri Rice ng pamahalaan, kasabay ng pagpapalawak pa ng Rice for All program.

“Mayroon tayong ilo-launch ngayong simula ng taon, ito iyong Sulit Rice at Nutri Rice katuwang iyong tinatawag nating Rice for All para sa ating mga Kadiwa at mga piling pamilihan at istasyon ng tren. Nagsimula na ito sa National Capital Region at ngayong taon ay ipapakalat din natin ito sa ibang bahagi ng bansa.” —de Mesa

Pagsisiguro ng opisyal, ang Sulit Rice na tinatawag na 100% broken rice, maganda pa rin ang kalidad.

“Itong Sulit Rice, nagkakahalaga ito ng P35.00 to P36.00 pesos kada kilo at ito ang tinatawag natin na hundred percent broken na bigas; maganda pa naman iyong quality, ang kaibahan talaga nito ay broken itong bigas na ito. Sinubukan na namin itong iluto dito sa opisina at maganda naman iyong quality ng bigas na ito.” —de Mesa

Ang Nutri Rice naman o iyong bigas na nasa pagitan ng well milled at brown rice, siksik pa rin ng sustansya. Mabibili naman ito sa P37 hanggang P38 kada kilo.

“Ito iyong tinatawag din na one-pass milling at malaki pa iyong nutrients na natitira dito o marami pa; kaya tinatawag natin itong Nutri Rice, marami pa itong fiber at vitamins and minerals at ititinda naman ito sa halagang P37.00 to P38.00 pesos per kilo at inaasahan natin ngayong January ay mag-start na iyong pagbebenta nitong Sulit Rice at Nutri Rice sa mga Kadiwa centers, mga piling pamilihan at mga istasyon ng tren.” -de Mesa

Sasabayan pa ang mga inisyatibong ito ng mas pinababang presyo ng bigas sa ilalim ng Rice for All. Mula sa P40 per kilo, ngayong Enero, ibababa pa ito sa P38 hanggang P39 kada kilo.

“Iyong P38.00 to P39.00 na presyo ng ‘rice for all’ ay magsisimula na rin ngayong taon na ito.  Nagsimula tayo diyan, nagbenta tayo ng P45.00 pesos per kilo naibaba iyan sa P43.00 at p42.00 at nito nga bago matapos ang taong 2024 ay naibaba pa iyan sa P40.00 per kilo; at ngayong taon na ito, this January ay ilulunsad naman, mas mababa pa ang presyo – between P38.00 to P39.00.” –de Mesa. | ulat ni Racquel Bayan

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us