Kaisa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pagpapaabot ng pasasalamat sa United Arab Emirates (UAE).
Ito’y makaraang gawaran ng pardon ng UAE Government ang nasa 220 Filipino na nakakulong doon dahil sa iba’t ibang mga kaso.
Sa isang pahayag, sinabi ng DMW na ang hakbang ng UAE ay pagpapakita ng magandang relasyon nito sa Pilipinas, na mas pinagtibay pa dahil sa nakalipas na pulong nila Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at UAE President Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan, noong isang tao.
Pagtitiyak naman ng DMW, handang makipagtulungan ang kanilang UAE Migrant Workers Office sa Philippine Embassy doon para pangasiwaan ang repatriation ng mga OFW na binigyan ng pardon.
Handa ring magbigay suporta ang kagawaran sa mga uuwi nating kababayan katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan.
Magugunitang iginawad ng UAE ang pardon sa naturang mga Pinoy kasabay ng kanilang pagdiriwang ng National Day, noong Disyembre 2, 2024. | ulat ni Jaymark Dagala