Pagkamatay ng OFW sa Kuwait, pinaiimbestigahan sa Kamara

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pinapasiyasat ni Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez ang aniya’y malagim at kaduda-dudang pagkasawi ng overseas Filipino worker (OFW) na si Dafnie Nacalaban sa Kuwait.

Sa kaniyang House Resolution 2151, hinikayat ng Mindanao solon ang angkop na komite ng Kamara na silipin ang sirkumstansya sa pagkasawi ni Nacalaban na kaniyang kababayan.

Noong 2019 pa nagtatrabaho si Nacalaban bilang household service worker sa Kuwait.

Oktubre 2024 naman nang iulat ng kaniyang employer na nawawala siya.

Nitong Disyembre nang kumpirmahin ng Department of Foreign Affairs (DFA), na nakita ang labi ni Nacalaban sa bakuran ng bahay ng kaniyang amo sa Kuwait.

Sinasabi naman na ang suspek sa pagkamatay ni Nacalaban ay una nang nasangkot sa pagpatay ng kaniyang kasintahan na isa ring Pilipina.

Punto ni Rodriguez, ang hindi inaasahan at maagang pagkasawi ni Nacalaban ay nagpapakita ng mga hamon at panganib na kinakaharap ng ating mga OFW.

Naniniwala din ang CDO solon, na hindi ito isolated incident dahil mayroon na ring mga ulat ng pang-aabuso, pananakit at pagkasawi ng ating mga kababayang OFW abroad.

Apela naman ni Rodriguez sa Kuwaiti Government, na magsagawa ng malaliman at impartial na imbestigasyon sa insidente at magkaroon ng mas maayos na employment terms para sa mga Filipino migrant workers.

Naipaabot na ng mambabatas ang pakikidalamhati sa naiwang pamilya ni Nacalaban at nangako na tutulong sa pagkamit ng hustisya. | ulat ni Kathleen Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us