Positibo ang Department of Transportation (DOTr) na hindi na muling mapapabilang ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa ano mang listahan na naglalarawan ng worst airport sa buong mundo.
Pahayag ito ni Transportation Secretary Jaime Bautista, kasunod ng privatization ng NAIA, dahilan kung bakit sumasailalim ngayon sa kaliwa’t kanang pagsasaayos ang paliparan.
“Dapat mawala na tayo doon sa list ng worst airport kn the world.” —Bautista
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng kalihim na ang pagsisimula ng rehabilitasyon sa NAIA ay isa sa mga malalaking nagawa ng Transportation Sector ng administrasyon, noong nakaraang taon.
Aniya, dati isa sa mga inirereklamo sa NAIA ay ang mahinang buga ng aircon sa Terminal 3. Sa kasalukuyan, malamig at komportable na aniyang nakapaghihintay ang mga pasahero doon.
Ang baggage system, maayos na aniyang gumagana.
Bukod dito, kung dati, pag-akyat pa lamang aniya sa Terminal 3, bubungad agad ang mahabang pila ngunit sa kasalukuyan, kitang-kita na aniya ang order o naging resulta ng mga isinasagawang pagsasaayos sa paliparan at sa sistema nito.
“Ang pinaka-maraming pasahero diyan sa Terminal 3 ay ang Cebu Pacific, ang ginawa namin, pinalipat namin ang counters nila sa halos dulo ng terminal para ang mga sasakyan, doon muna pupunta. Kaya makikita niyo, simple processes, pero very effective.” —Bautista | ulat ni Racquel Bayan