Mas lalong mahalaga na mapagtibay na ng Kongreso ang panukalang batas na bubuo sa Department of Disaster Resilience, matapos manalasa sa Pilipinas ang anim na magkakasunod na bagyo noong 2024.
Giit ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, hindi na ordinaryo ang mabilis at sunus-sunod na pagpasok ng mga bagyo sa Pilipinas gaya nang nangyari noong Oktubre hanggang Nobyembre ng 2024.
Matatandaan na pumasok ang bagyong Kristine noong October 26. Agad itong sinundan ng mga bagyong Leon, Marci, Nika, Ofel at natapos sa paglabas ng bagyong Pepito ng Philippine area of responsibility o PAR noong November 18.
Bunsod nito umapela si Villafuerte sa mga kasamahang mambabatas na gawing prayoridad na maaprubahan ang panukala na bubuo sa DDR, ngayong 2025, bago matapos ang 19th Congress.
Nitong Nobyembre 2024 nang lumusot sa Komite ang bersyon ng panukala sa Kamara. | ulat ni Kathleen Forbes