Inilatag ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang mga prayoridad nito para sa bagong taong 2025.
Sa pulong balitaan sa tanggapan ng ERC sa Pasig City, sinabi ni ERC Chairperson, Atty. Monalisa Dimalanta na kabilng sa kanilang prayoridad sa unang semestre ng taon ay:
- Makumpleto ang pagpapatupad ng rate reset ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para sa 4th regulatory period;
- Matapos ang resolusyon para sa lapsed period rate refund ng Manila Electric Company (MERALCO) at maresolba naman ang 5th Regulatory Reset;
- Magpalabas ng resolusyon para sa mga napaso nang aplikasyon ng mga distribution utility;
- Pagsasaaayos ng kanilang net-metering rules; at
- Pagpapalabas ng updated fines at penalty.
Binigyang diin ni Dimalanta, na mahalagang matapos ang kanilang reset upang maipatupad na ng MERALCO ang refund bunsod na rin ng kanilang sobrang nasingil mula 2022 hanggang 2024.
Una nang sinabi ng MERALCO, na aabot sa P16 bilyon ang kanilang handang ibalik sa mga konsyumer sa sandaling matapos na ng ERC ang gagawin nitong rate reset.
Samantala, inilatag naman ng ERC para sa ikalawang semestre ng 2025 ay ang generation rates benchmarking program; pag amyenda sa grid code and distribution codes; revision sa secondary price cap ng Wholesale Electricity Spot Market at iba pa. | ulat ni Jaymark Dagala