Naglabas na ng Memorandum Circular 76 ang Malacañang na nagdedeklarang walang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno at paaralan sa lahat ng antas, sa mga siyudad ng Pasay at Maynila sa darating na Lunes, January 13.
Ang deklarasyon ay ginawa sa harap ng nakatakdang peace rally ng Iglesia ni Cristo na inaasahang dadagsain ng mga miyembro nito mula sa iba’t ibang lalawigan na manggagaling sa area ng Luzon.
Base sa inilabas na Memorandum Circular, ipinauubaya na ng Palasyo sa mga pribadong kumpanya kung susundan ang deklarasyon at isuspinde din ang pasok sa kanilang mga empleyado.
Ang Memorandum Circular 76 ay nilagdaan ngayong araw ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Ikakasa ng Iglesia ni Cristo ang “Pambansang Rally para sa Kapayapaan” sa Quirino Grandstand, na sinasabing madaling araw pa lamang ay magtitipon-tipon na ang mga Kapatid sa Iglesia.
Bukod sa mga taga NCR at taga Luzon, pupunta din ang mga miyembro ng Iglesia ni Cristo na mula sa Calabarzon Region habang may gaganapin ding rally umano sa iba pang lugar sa bansa. | ulat ni Alvin Baltazar