Isang briefing ang ipinatawag ngayong araw ng House Ways and Means Committee tungkol sa sinisingil na franchise tax mula sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Ayon kay Albay Representative Joey Salceda, tagapangulo ng komite, partikular nilang nais masilip ang implementasyon ng ERC Resolution No. 10 series of 2023.
Dito, hindi maaaring ipasa ng NGCP ang sinisingil sa kanilang franchise tax sa mga consumer.
Kumpara sa ibang mga franchise grantees na pinapatawan ng 5% franchise tax ay 3% lang ang buwis na binabayaran ng NGCP.
Bukod dito napakababa rin aniya ng concession fee ng NGCP na nasa ₱43 to $1 USD na rate.
Una nang sinabi ni Salceda na pinapaaral ni Speaker Martin Romualdez ang windfall taxes mula sa sobra-sobrang kita ng power sector upang mai-refund ito sa mga consumer o kaya ay magamit sa Pantawid Kuryente. | ulat ni Kathleen Jean Forbes