Tinatrabaho na ngayon ng Kamara ang pagpapahusay ng panukalang batas upang itaas ang propesyon ng plumbing bilang isang engineering profession.
Sa ilalim ng House House Bill 8659 na inihain ni PBA Party-list Representative Margarita Nograles, layon nitong mapabuti ang buhay ng libo-libong mga master plumber sa pamamagitan ng pag repeal o pagpapawalang bisa ng Republic Act 1378 na naisabatas noon pang 1955.
Ayon kay House Committee on Civil Service Profession Regulations Chair at Bohol Rep. Alexie Tutor, ang 70-taong umiiral na Plumbing law ay hindi na akma sa kasalukuyang panahon at matagal nang dapat baguhin.
Inatasan ng komite ang technical working group (TWG) na umaayos sa probisyon ng panukalang batas, upang maiayon ito sa iba pang kaugnay na propesyon tulad ng sanitary engineering.
Dapat din anyang tiyakin ng TWG, na ang iminungkahing Plumbing Engineering Act ay aayos sa iba pang umiiral nang batas para sa mga propesyunal. | ulat ni Melany Valdoz Reyes