Kinilala ng isang mambabatas ang matibay at epektibong diplomasya sa pagitan ng Pilipinas at ng United Arab Emirates (UAE) kasunod ng iginawad na pardon sa 220 Pilipino na nakakulong sa naturang bansa.
Ayon kay OFW Party-list Representative Marissa Magsino, ang masigasig na pagsisikap ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), at ng Philippine Embassy sa UAE, sa ilalim ng pamumuno ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ay nagbunga ng bagong pag-asa para sa ating mga kababayan na naharap sa mga legal na hamon sa UAE.
Kasabay nito ay nagpaabot din ng buong pusong pasasalamat sa pamahalaan ng UAE si Magsino sa kanilang malasakit at pagpapatawad.
Dahil aniya dito ay muli nang makakasama ng ating mga na-detineng kababayan ang kanilang mga pamilya.
Giit pa niya, ipinapakita nito ang kahalagahan ng diplomasya at ng tuloy-tuloy na dayalogo sa pagitan ng ating pamahalaan at ng mga bansang may malaking bilang ng mga manggagawang Pilipino.
Sa kasalukuyan ay pinoproseso na ng DFA at Embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi ang documentary at administrative requirements, para sa agarang pag-uwi ng ating mga kababayan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes