Positibo ang isang mambabatas na ang patuloy na pag-lago ng manufacturing sector ay makatutulong sa pagpapa-unlad ng ekonomiya ng bansa at paglikha ng dagdag pang trabaho.
Tinukoy ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang pinakahuling report ng S&P Global kung saan tumaas ang Purchasing Managers’ Index o PMI ng Pilipinas nitong Disyembre sa 54.3, higit na mas mataas kumpara sa ibang bansa sa ASEAN.
Isang magandang indikasyon aniya ito para sa pagsisimula ng 2025 para sa Pilipinas.
Kaya naman umaasa ang mambabatas na ang matatag na PMI ng bansa ay magresulta sa mas mabilis na paglago ng ating GDP upang lumawak ang mga negosyo at makapagbukas sila ng mas maraming trabaho sa mga Pilipino.
Makakaasa din aniya ang manufacturing sector na patuloy itong susuportahan ng administrasyong Marcos. | ulat ni Kathleen Forbes