Nakikiisa na rin ang Philippine Coast Guard District Southern Visayas (PCGDSV) sa humanitarian mission na isinasagawa para sa mahigit 6,800 pamilya na naapektuhan ng pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon.
Isinagawa ang misyon noong ikalawa ng Enero 2025 sa ICP Municipal Hall, La Castellana, Negros Occidental, at Camp 5 sa Panubigan Elementary School, Canlaon City, Negros Oriental.
Dito namahagi ng pagkain, tubig, tulong medikal, at pansamantalang tirahan para sa mga nasalanta. Kasama rin sa naipaabot ang suporta sa kabuhayan at psychological aid upang matulungan ang mga pamilyang muling bumangon.
Ayon sa PCGDSV, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at partner organizations para tugunan ang agarang pangangailangan ng mga apektadong pamilya. Pinuri din ng PCGDSV ang pagkakaisa ng iba’t ibang ahensya, kabilang ang PNP, Philippine Army, at Bureau of Fire Protection, sa pagsasagawa ng misyong ito.
Nanindigan din ang PCGDSV na ipagpapatuloy ang kanilang suporta upang mapanatili ang kaligtasan at katatagan ng mga komunidad.| ulat ni EJ Lazaro