Suportado ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tatlong araw na cluster meeting ng Regional Cooperation Agreement on Combating Piracy and Armed Robbery against Ships in Asia Information Sharing Centre o ReCAAP ISC na isasagawa sa Lungsod ng Maynila sa darating na Enero 21 hanggang 23, 2025.
Magsisidalo sa pulong ang mga delegado ng ReCAAP ISC mula Singapore at ang mga ReCAAP Focal Point Governors mula sa Cambodia, China, Vietnam, at Thailand. Kasama rin ang mga kinatawan mula sa PCG, Philippine Ports Authority, mga stakeholder ng Philippine shipping industry, at mga ahensya ng pagpapatupad ng batas mula sa rehiyon tulad ng Malaysia Maritime Enforcement Agency at Indonesia Coast Guard.
Pag-uusapan ng mga Focal Point Governors ang mga hakbang laban sa sea robbery sa kani-kanilang mga daungan at anchorage. Tatalakayin din nila ang epekto ng maritime terrorism at iba pang banta sa kaligtasan ng mga tripulante at kargamento.
Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng intelligence at best practices, layunin ng ReCAAP ISC na bumuo ng mga pinagsamang estratehiya upang palakasin ang seguridad ng mga shipping route sa Asya at maiwasan ang mga insidente sa hinaharap. | ulat ni EJ Lazaro