Isinasapinal na ng National Council on Disability Affairs (NCDA) ang magiging sistema sa ilulunsad na Unified ID system para sa Persons with Disability (PWDs) ngayong taon.
Sa DSWD Media Forum, sinabi ni NCDA Exec. Dir. Glenda Relova, na layon ng hakbang na pigilan ang paglaganap ng pekeng PWD ID na lubos na ikinalulugi ng pamahalaan.
Sa ngayon, ay tinatapos na lang aniya ang terms of reference mula sa ICTMS para maplantsa na ang paglulunsad ng ID system.
Tina-target naman na simulan ang pilot testing nito sa unang anim na buwan ng 2025 kung saan ipatutupad muna ito sa piling LGUs, para masuri ang centralized printing at local verification.
Sunod na plano ang nationwide rollout, na target naman sa Hulyo na magiging per phase din ang implementasyon.
Tiniyak naman ng opisyal, na magiging mahirap nang ipeke ang bagong ID dahil sa high-security features nito.
Bukod sa pisikal na ID, magkakaroon din ang unified PWD ID ng digital version na maaaring ma-access via mobile app o web portal. | ulat ni Merry Ann Bastasa