Umaapela ngayon si OFW party-list Rep. Marissa Magsino sa Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) na palakasin ang kanilang mga hakbang upang tiyaking ligtas ang Filipino migrant workers sa high-risk countries tulad ng Kuwait.
Kasunod ito ng pagkasawi ng OFW na si Dafnie Nacalaban sa naturang bansa.
Disyembre 2024 ng kumpirmahin ng DFA na natagpuan ang labi ni Nacalaban sa bakuran mismo ng bahay ng kaniyang amo matapos iulat na tatlong buwan nang nawawala.
Ani Magsino, ipinapakita ng insidenteng ito ang mga panganib na kinakaharap ng ating mga manggagawa sa ibang bansa, lalo na sa mga lugar kung saan hindi sapat ang proteksyon para sa kanilang kaligtasan at karapatan.
Hiling din ng mambabatas ang masusing imbestigasyon upang mabigyang-liwanag ang mga detalye ng trahedyang ito at maibigay ang hustisya para sa pinaslang nating kababayan.
Kasabay nito ay ipinaabot ni Magsino ang pakikidalamhati sa naiwang pamilya gayundin ang pagkondena sa sinapit ni Nacalaban.
“Hindi na dapat maulit pa ang ganitong trahedya. Ang ating mga bagong bayani ay nararapat lamang magkaroon ng dignidad at proteksyon saan man sila naroroon. Kami ay magpapatuloy sa pakikipaglaban para sa inyong kapakanan at karapatan,” saad ni Magsino. | ulat ni Kathleen Forbes