Inirekomenda ng House Committee on Ways and Means ang malalimang pagsisiyasat kung nilabag ba ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang Anti-Dummy Law.
Ito’y matapos makuwestyon ang istruktura ng pagmamay-ari at pamamahala ng NGCP salig sa foreign ownership rules sa Saligang Batas.
Sa naging pagdinig ng komite, pinuna ni Albay Rep. Joey Salceda, chairperson ang aniya’y nakakabahalang foreign control sa korporasyon.
Bagama’t mukhang nasunod naman ng NGCP ang 60-40 Filipino-to-foreign equity ratio, ay kailangan ito isailalim sa tinatawag na ‘grandfather rule.’
Dito sinusuri ang beneficial ownership at ang kontrol sa patong-patong na corporate structures upang matiyak na tumatalima ito sa limitasyon itinakda ng Konstitusyon.
Batay sa regulatory disclosure ang 60% ng NGCP ay pagmamay-ari ng Pilipino sa pamamagitan ng Synergy Grid of the Philippines habang ang nalalabing 40% ng kompanya ay kontrolado ng State Grid Corporation of China (SGCC)—isang state-owned enterprise na pinamamahalaan ng Chinese Communist Party. Gayonman, may dalawang dagdag na subsidiary ang SGP para sa indirect ownership sa NGCP.
Inilantad pa ni Salceda ang komposisyon ng Board of Directors ng NGCP na binubuo ng ilang Chinese nationals na may mahahalagang posisyon.
Kabilang dito si Chairman Zhu Guangchao (Chinese); Vice Chairmen Robert Coyiuto Jr. (Filipino) and Henry Sy Jr. (Filipino); President/CEO Anthony Almeda (Filipino); at Directors Jose Pardo (Filipino), Francis Chua (Chinese), Shan Shewu (Chinese), Liu Ming (Chinese), Liu Xinhua (Chinese), at Paul Sagayo Jr. (Filipino).
Salig sa Anti-Dummy Law (Commonwealth Act No. 108, as amended) pinagbabawalan ang mga non-Filipino nationals na makibahagi sa pamamahala, pagpapatakbo o pagkontrol ng anomang entity na sangkot sa nationalized o partially nationalized activity.
Kung mapatunayan, maaaring bawiin ang prangkisa ng NGCP at kailangan ibalik ang kontrol sa mga imprastraktura nito sa gobyerno ng Pilipinas. | ulat ni Kathleen Forbes