Positibo si Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na muling maitatala ng bansa ang record-high na produksyon ng palay ngayong taon.
Ito ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ibalik ang budget ng Department of Agriculture (DA) para sa rice production.
Ayon sa kalihim, binigyan ito ng pahintulot ng Pangulo na tiyaking makakakuha ng kinakailangang pondo para maiangat ang produksyon ng palay sa higit sa 20 milyong metriko tonelada.
Aniya, makatutulong ang pagbabalik ng P10 bilyong budget sa DA para maipatupad ang mga hakbang na magdadala sa produksyon ng palay sa orihinal na target na 20.46 milyong metriko tonelada ngayong taon.
Katuwang naman ng DA ang NFA na una nang tiniyak na magiging agresibo sa pagbili ng palay sa mga magsasaka. | ulat ni Merry Ann Bastasa