Humingi ng paumanhin si Quezon City Representative Ralph Tulfo kasunod ng insidente ng pagkakahuli sa kaniyang sasakyan na dumaan sa EDSA busway.
“Lubos po akong humihingi ng paumanhin sa publiko, lalo na sa mga naapektuhan at naabala ng insidente kamakailan kaugnay sa pagdaan ng aking sasakyan sa EDSA bus lane,” ani Tulfo.
Sa isang post sa kaniyang social media page, iginiit ni Tulfo na walang naganap na pagbanggit o paggamit ng pangalan ng sino mang nasa posisyon, at wala rin aniyang nangyaring ano mang pang-aabuso sa awtoridad para makalusot o mapawalang-sala sa insidente.
Tinatanggap aniya nila ang kanilang pagkakamali.
Katunayan nakapagbayad na rin sila ng karampatang multa at sasailalim sa seminar kaugnay sa umiiral na batas trapiko.
Nangako rin ang kinatawan na hindi na mauulit muli ang ganitong pagkakamali.
“Muli, taos-puso po akong humihingi ng inyong paumanhin at pang-unawa. Nangangako po akong gagawin ko ang lahat ng hakbang upang maiwasan ang ganitong uri ng pagkakamali sa hinaharap.” saad ni Tulfo. | ulat ni Kathleen Forbes