Inilatag ni Ways and Means Committee chair Joey Salceda ang ilan sa mga dahilan kung bakit kailangan maibalik o mai-refund ng NGCP ang nasa ₱204.3 billion na sobrang kita nito sa mga consumer.
Giit niya panahon nang magpatupad ng reporma para tugunan ang mga isyu sa NGCP kung saan nadedehado ang mga Pilipino.
Isa aniya dito ang sobrang revenue o kita ng NGCP.
Mula 2016 hanggang 2020 aniya ay mayroon lamang ₱183.5 billion approved revenue ang ERC para sa NGCP ngunit ang actual revenue ng korporasyon ay umabot sa ₱387.8 billion.
Gayunman wala aniyang batas na sumasakop sa kung paano maibabalik sa taumbayan ang naturang sobrang kita.
“There is a 204.3 billion that has been computed by the ERC as being in excess of each WACC (Weighted Average Cost of Capital). And, there is no provision in law. That’s the problem. Ever since I became a congressman, almost every law I put that pertains to regulated industries, I always make sure that anything above WACC belongs to the people or belongs to the state. If it’s PPP, it belongs to the state, because they’re actors on behalf of the state. If it’s a franchise that deals with the consumers, then the excess revenues belong to the consumers. And, there should be a process of disgorgement, of repayment,” paliwanag ni Salceda.
Sabi pa niya, hindi gaya ng ibang entity sa power sector, hindi nagbabayad ang NGCP ng Corporate Income Tax, Value-Added Tax (VAT) at Real Property Tax bukod pa sa ito rin ang may pinakamababang franchise tax na 3% kumpara sa ibang utlities.
Kumpara din aniya sa mga predecessor nito na NAPOCOR at TRANSCO, walang kondisyon ang income tax exemption ng NGCP.
Wala rin aniyang cap o limitasyon sa revenue ang NGCP na nakasaad sa batas bagkus ay nireregulate lang ng ERC gamit ang EPIRA.
Naniniwala naman si Salceda na maaari pa amyendahan ng Kongreso ang prangkisa ng NGCP para ito ay maging patas.
“Can Congress still amend the NGCP franchise to make its tax and profit structure fair? Yes. Section 2, terms and conditions. This franchise shall be for a term of 50 years from date of effectivity. It is by granted and unconditionally shall be subject to amendment, alteration or repeal by Congress when the common good so requires,” ani Salceda
Kasama rin sa rekomendasyon ni Salceda na ibaba sa 10.3% ang WACC o Weighted Average Cost of Capital na ngayon ay nasa 15.04% na lubhang napakataas.
Nais na rin ng mambabatas na itulad ang tax regime ng NGCP gaya ng sa water utilities para sa equitable tax contributions.
Ang mga kikitain naman mula sa pagbabago na ito ay maaari gamitin para sa Pantawid Kuryente subsidy o universal reduction sa presyo ng kuryente. | ulat ni Kathleen Forbes