Inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) ang isang resolusyong nakikiisa sa mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR) para sa pagpapasa ng ordinansa.
Ito ay may kaugnayan sa pagtatatag ng Geographical Information System sa pagbibigay ng Business Permit para sa mga negosyante na magbebenta ng produktong gawa sa tobacco at mga kahalintulad na produkto.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson, Atty. Don Artes, layunin nito na higpitan pa ang mga panuntunan hinggil sa pagbabawal sa sigarilyo partikular na sa mga lugar na maraming bata gaya ng paaralan, palaruan at iba pa.
Nakasaad sa Republic Act 9211 o ang Tobacco Regulations Act of 2003 at Republic Act 11900 o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulations Act, bawal ang mga nagtitinda ng sigarilyo, vape at mga kahalintulad sa loob ng 100 metro mula sa mga nabanggit na lugar.
Bahagi ito ng mga istratehiya ng MMDA ani Artes para suportahan ang mga LGU sa NCR sa kanilang Smoke-Free projects
Sa ilalim nito, magpapasa ng ordinansa ang bawat LGU na tutukoy sa mga tamang lokasyon ng mga mabibigyan ng permit para sa bentahan ng sigarilyo, vape, e-cigarette at mga kahalintulad. | ulat ni Jaymark Dagala