Pinagtibay ng Senado ang Senate Joint Resolution No. 3 na humihimok sa National Telecommunications Commission (NTC) na bigyan ng provisional authority ang Starlink upang magtayo, magpanatili, at mag-operate ng satellite ground stations na layuning mapabuti ang internet services sa Pilipinas.
Sa kanyang sponsorship speech, tinukoy ni Senadora Grace Poe na 65% ng mga Pilipino ang wala pa ring internet service, at nakikita ang Starlink bilang solusyon upang maabot ng internet connectivity ang mga malalayong lugar sa bansa.
Dagdag pa ni Poe, mula nang mabigyan ng awtorisasyon ang Starlink ng NTC at DICT noong 2022, marami nang ahensya ng pamahalaan at non-government organizations ang umaasa rito para sa paghahatid ng mahahalagang programa at serbisyo.
Pinaliwanag din ni Poe na, bagamat ginagamit na ang Starlink sa bansa, ang pagbibigay ng provisional authority ay magpapahintulot sa kumpanya na makapagtayo ng satellite ground stations, na inaasahang mas magpapabilis at magpapalawak ng kanilang serbisyo sa Pilipinas. | ulat ni Nimfa Asuncion