Tiniyak ni Senate President Chiz Escudero na gagawing prayoridad ng Senado ang panukalang batas tungkol sa rightsizing ng gobyerno.
Sa isang pahayag, sinabi ni Escudero na titiyakin nilang maipapasa ito bago mag adjourn ang sesyon ng 19th Congress sa Hunyo.
Ayon sa Senate President, ang ginawang consultative meeting ng Senado kahapon para sa Rightsizing Bill ay layong pabilisin ang interpellation sa panukala na nakatakdang simulan sa susunod na linggo kasabay ng pagbabalik sesyon ng Mataas na Kapulungan.
Si Escudero ang tumatayong author at sponsor ng Rightsizing Bill o Senate Bill 890.
Binigyang-diin ng Senate leader na ang rightsizing at hindi tungkol sa pagtitipid ng pera, sa halip, tungkol aniya ito sa pagbibigay ng mas episyenteng serbisyo sa publiko.
Pinunto ng mambabatas na mayroon na lang silang tatlong linggo bago muling magkaroon break ang sesyon ng Kongreso para bigyang daan ang May 2025 midterm elections.
Kaya naman dapat na silang kumilos ng mabilis kung nais nilang maipasa ang Rightsizing Bill ngayong 19th Congress. | ulat ni Nimfa Asuncion