Muling ipinaalala ng Korte Suprema na magbubukas na ang aplikasyon para sa 2025 Bar Examinations mula Enero 8 hanggang Marso 17, 2025.
Ayon sa SC, kailangang magparehistro ang mga bagong aplikante, dating kumuha ng Bar Exams, at mga refresher sa kanilang online platform na BARISTA sa https://portal.judiciary.gov.ph. Dapat kumpletuhin ayon sa SC ang profile, punan ang application form, i-upload ang mga kinakailangang dokumento, at bayaran ang aplikasyon na nagkakahalaga ng P12,800.
Sa loob ng 10 araw mula sa notice of approval, kailangang isumite ang mga naka-print at pirmadong form kasama ang mga dokumento sa Office of the Bar Confidant. Ang mga deferred requirements naman ay maaaring isumite mula Hunyo 16 hanggang Oktubre 14, 2025.
Gaganapin ang Bar Exams ngayong taon sa darating na Setyembre 7, 10, at 14, na pangungunahan ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier.
Samantala, ang oath-taking at roll signing ng 3,962 na pumasa sa 2024 Bar Exams ay itinakdang gaganapin sa darating na Enero 24, 2025 sa SMX Convention Center, Lungsod ng Pasay.| ulat ni EJ Lazaro