SEC, pinalawak ang mga kategorya upang maging PERA administrator

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pinalawak ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang mga uri ng entity na maaaring maging accredited ng Personal Equity and Retirement Account (PERA) Administrators, matapos aprubahan ang mga bagong regulasyon nito.

Sa ilalim ng SEC Memorandum Circular, nagbigay ang ahensya ng mga alituntunin sa akreditasyon ng PERA market participants. Kabilang dito ang pagdadagdag sa mga maaaring mag-qualify tulad ng securities brokers, investment houses, at investment company advisers o fund managers.

Sa ilalim ng bagong regulasyon, inaprubahan ng Commission En Banc ang aplikasyon ng DragonFi Securities bilang isang PERA administrator, ngunit kinakailangan pang kumpletuhin ng kumpanya ang ilang natitirang rekisitos.

Ayon kay SEC Chairperson Emilio B. Aquino, ito ay upang kilalanin ang potensyal ng ating pension system at palawakin ang partisipasyon ng publiko sa paglikha ng corporate value, at palakasin ang ating capital market.

Dagdag pa niya, ito ay isang mahalagang hakbang upang bigyang-kapangyarihan ang mga Pilipino na tiyakin ang kanilang pinansyal na kinabukasan habang pinapagaan ang fiscal pressures sa gobyerno sa mahabang panahon.

Ang PERA ay isang boluntaryong retirement savings program na bukas sa publiko bilang dagdag sa kasalukuyang retirement benefits mula sa Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), at mga employer-sponsored plans.

Itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 9505 o ang PERA Act of 2008, nag-aalok ang programa ng mga benepisyo sa buwis na hindi makikita sa ibang retirement investment products upang hikayatin ang mga Pilipino na mag-ipon para sa kanilang kinabukasan. | ulat ni Melany Valdoz Reyes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us