Suportado ni Senate President Chiz Escudero ang hangarin ng isinasagawang Rally for Peace ng Iglesia ni Cristo ngayong araw.
Ayon kay Escudero, non-debatable kung tama ba ang aktibidad na ito ng INC dahil sino ba naman aniya ang aayaw na magkaroon ng sama-samang pananalangin para sa pagkakaisa at katahimikan ng bansa.
Sinabi rin ng senador na malamang gusto rin ito ng mayorya ng mga Pilipino. Present man sila o hindi sa prayer rally dahil hangad ng nakararami na magkaisa ang mga lider ng ating bansa.
Para sa Senate president, hindi produktibo ang pagsasawalang kibo o kung hindi pagtulong na matugunan ang mga isyu na naglalayong sirain at pahinain ang katahimikan at pagkakaisa sa bansa.
Hindi naman aniya makakadalo ang Senate president sa rally ng INC pero hiningan siya ng maikling video message na ipapakita at ipaparinig sa rally. | ulat ni Nimfa Asuncion