Binigyang-diin ni Senador Risa Hontiveros ang pangangailangan na agad na mapabuti ang Espionage Law ng Pilipinas.
Ito ay kasunod ng pagkakaaresto ng isang Chinese national na pinaniniwalaang sangkot sa espionage activity o pag-eespiya sa Pilipinas.
Ayon kay Hontiveros, dapat matiyak ng pamahalaan na hindi natin hahayaang napapaligiran tayo ng mga espiya lalo na sa gitna na rin ng mga nangyayari sa West Philippine Sea.
Pinunto ng senador na matagal na niyang pinupunto ang presensya ng mga Chinese spies sa bansa, lalo na noong nagkaroon ng Visa Upon Arrival scheme sa Bureau of Immigration na nagresulta sa “Pastillas Scam.”
Dahil dito aniya ay maraming Chinese nationals ang nakapasok sa bansa nang walang maayos na pagbusisi ng ating Immigration.
Nagtitiwala si Hontiveros na tinutugunan na ito ng ating Department of National Defense (DND) kasama ang iba pang kinauukulang mga ahensya ng gobyerno.
Kailangan aniya itong seryosohin para na rin sa ating national security, national interest, at ating soberanya. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion