Suportado ni Senate Majority leader Francis Tolentino ang pagpapahintulot ng pamahalaan na papasukin sa Pilipinas ang 300 Afghan nationals para dito magproseso ng kanilang special immigration visa (SIV) para sa resettlement nila sa Estados Unidos.
Ang mga kasamang Afghan nationals dito ay ang mga tumulong sa pwersa ng US at kanilang mga pamilya kung saan karamihan ay mga bata.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa kasunduang pinirmahan ng Pilipinas at Estados Unidos at niratipikahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong September 2024.
Pinuri ni Tolentino ang desisyon na ito ng pamahalaan para palakasin ang ating commitment sa international treaties.
Binigyang-diin ng majority leader na ang pagsunod natin sa kasunduang ito ay hindi lang sumasalamin sa values ng Pilipinas kundi pinagtitibay rin nito ang ating global standing.
Bilang tagapagtaguyod rin aniya ng karapatan ng mga refugees at karapatang pantao, giniit ni Tolentino na ang pagtanggap sa mga displaced refugees ay ang pinakamataas na standard pagdating sa pagsunod sa international human rights commitment.
Pinatitiyak rin ng senador na itratrato ng may dignidad at respeto ang 300 Afghan nationals na tutuloy dito sa ating bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion