Hihilingin ni Senador Juan Miguel Zubiri kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sertipikahang urgent bill ang panukalang magsagawa ng plebesito sa Sulu kaugnay ng pagpapabilang nila sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Una nang inihain ni Zubiri ang Senate Bill 2915 na layong ma-reintigrate ang Sulu sa BARMM at sinabing layon nitong matiyak ang stability at kapayapaan sa rehiyon.
Ayon kay Zubiri, kailangang mabigyang prayoridad ng gobyerno ang panukalang plebesito sa sulu kasabay ng pagpapaliban ng kauna unahang eleksyon sa rehiyon at pagpapalawig ng termino ng bangsamoro transition authority ng isa pang taon.
Paliwanag ng Mindanaoan senator, hindi lang ito isang simpleng local bill kundi bahagi ito ng peace process at makakaapekto ito sa buong Mindanao at buong Pilipinas.
Bagama’t hindi ito nabanggit ni Zubiri kay Pangulong Marcos sa naging dinner nilang mga senador sa Malacañang, balak ng mambabatas na magpadala ng pormal na mensahe sa Pangulo tungkol sa usaping ito.
Nanawagan rin ang senador sa Kamara na bilisan ang pagpapasa ng Counterpart Bill ng SB 2915 para maaprubahan ito bago ang session break ng Kongreso sa February 7 at nang maitakda ang plebesito sa June o July.
Sa pamamagitan nito, kung boboto ang mga taga Sulu na mapasamang muli sa BARMM ay mapapasama na sila sa eleksyon sa susunod na taon. | ulat ni Nimfa Asuncion