Binigyang-diin ni Senate Committee on Migrant Workers chairman Senador Raffy Tulfo na ang implementing rules and regulations (IRR) ng Magna Carta of Filipino Seafarers (RA 12021) ang magsisiguro na masusunod ang mahahalagang probisyon ng batas at magtitiyak na maproprotektahn ang mga karapatan at pribilehiyo ng mga Pinoy seafarer.
Ito ang pahayag ng senador kasabay ng pagpuri sa pagkakalagda ng IRR ng naturang batas.
Ayon kay Tulfo, ang IRR ay produkto ng masusing konsultasyon, review at kolaborasyon sa pagitan ng lahat ng mga stakeholder.
Itinataguyod rin aniya ng IRR ang full employment para sa mga Pinoy seafarer habang tinitiyak ang pantay na pagkakataon sa maritime industry para sa pantay na pag-access sa edukasyon, pagsasanay, at pag-unlad, anuman ang kasarian.
Kinikilala rin aniya ng IRR ang mga shipowners, Maritime Higher Education Institutions (MHEIs), manning at recruitment entities bilang mahahalagang kapartner sa pagprotekta sa mga Pinoy seafarer.
Nangako naman si Tulfo na babantayan ang pagpapaatupad ng batas para masigurong totoong maproprotektahan nito ang karapatan ng mga seafarer at mapapabuti ang kanilang working condition. | ulat ni Nimfa Asuncion