Giniit ni Senate Minority leader Koko Pimentel na dapat na munang tutukan ng Social Security System (SSS) ang pagkolekta ng mga hindi pa nababayarang kontribusyon ng mga delikwente nilang mga miyembro.
Ito ang pahayag ni Pimentel sa halip aniya na taasan ng SSS ang kontribusyon ng mga miyembro nito ngayong taon.
Pinunto ng minority leader ang report ng Commission on Audit (COA) na nagsasabing umaabaot sa ₱89.1 billion ang hindi nakokolekta ng SSS na kontribusyon mula sa mga deliquent employers.
Binigyang-diin ng senador na hindi tamang pahirapan ang mga sumusunod naman nilang miyembro sa pamamagitan ng pagdadagdag sa binabayaran nilang kontribusyon habang hindi nasisingil ang iba.
Una nang sinuportahan ni Pimentel ang panawagan ng ilang sektor na suspindehin ang pagpapatupad ng nakatakdang pagtataas ng kontribusyon ng mga SSS member simula ngayong 2025. | ulat ni Nimfa Asuncion