Pormal nang sinimulan kaninang hapon ang taunang Buling-Buling sa Sto. Niño ng Pandacan sa Liwasang Balagtas.
Pinangunahan ito ng Simbahang Katolika, Iglesia Filipina Independiente, at lokal na pamahalaan ng Maynila, sa pangunguna nina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo-Nieto.
Ang makulay na selebrasyong ito ay taunang tradisyon bilang pasasalamat sa Sto. Niño ng Pandacan, kung saan libu-libong deboto at mga bisita ang dumalo upang makiisa sa parada, sayawan, at mga misa.
Ang Buling-Buling ay itinuturing na isa sa mga pinakatanyag na pagdiriwang sa Maynila na nagpapakita ng pananampalataya, kultura, at pagkakaisa ng mga taga-Pandacan.
Bukas, Enero 19, sa mismong araw ng Dakilang Kapistahan ng Sto. Niño de Pandacan, magsisimula ang pinakamaagang misa sa ganap na 6:00 ng umaga na susundan ng pagbabasbas sa ati-atihan tribes sa ganap na 7:00 sa Patio ng Simbahan at sa pagtatapos naman ng 6:00 na gabi na misa ay gaganapin ang tradisyunal na Maringal na Prusisyon.
Paalala sa ating mga motorista, ilang kalsada sa paligid ng simbahan ang pauna nang pansamantalang isinara ngayong araw at asahan na magtutuloy-tuloy ito hanggang bukas para sa mga kaganapan kaugnay pa rin ng Kapistahan ng Sto. Niño. | ulat ni EJ Lazaro