Umarangkada na ang pamamahagi ng food stamps para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Walang Gutom 2027:Food Stamp Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa bayan ng Camalig, Albay, ngayong araw.
Ayon sa Camalig Public Information Office, nasa 238 na benepisyaryo mula sa iba’t ibang sektor tulad ng mga Solo Parents, Persons with Disability o PWDs, at mga Senior Citizens ang nakatanggap ng EBT cards sa unang araw ng paglulunsad, na naglalaman ng Php 3,000 na food credits buwan-buwan sa loob ng tatlong taon.
Magagamit ang EBT Card ng mga benepisyaryo sa pagbili ng pagkain mula sa Kadiwa at DSWD-accredited food outlets. Upang masiguro na makakakain ang mga pamilya ng iba’t ibang uri ng masusustansyang pagkain, sinisiguro ng DSWD Bicol na ang maaari lamang na mabiling pagkain ay mula sa tatlong (3) grupo ng pagkain na binubuo ng 50% carbohydrates, 30% protein, at 20% fiber.
Sa pamamagitan ng Walang Gutom Program, pinapalakas ng gobyerno ang suporta sa mga pamilya at indibidwal na nasa sektor ng kahirapan, upang matulungan silang magkaroon ng access sa sapat at masustansiyang pagkain. Ang programang ito ay inaasahang makikinabang ang kabuuang 700 benepisyaryo mula sa buong Camalig, at magpapatuloy ang pamamahagi ng ayuda sa mga darating na buwan.
Bahagi ang Food Stamp program ng implementasyon ng Walang Gutom 2027 ng administrasyong Marcos na layong tugunan ang food security sa bansa. | via Garry Carl Carillo | RP1 Albay
Camalig PIO