Pinaigting ng Manila Electric Company (Meralco) ang wire clearing operations nito sa Quiapo, Maynila.
Ito ay bilang paghahanda sa Pista ng Itim na Nazareno sa January 9 kung kailan inaasahang dadagsa ang milyun-milyong deboto.
Ayon kay Meralco Vice President at Corporate Communications Head Joe Zaldarriaga, patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Maynila upang matiyak ang kaligtasan ng milyun-milyong debotong dadalo sa Traslacion.
Kabilang sa mga hakbang ang pagtataas ng mga nakabiting kable at pagsusuri ng mga poste sa Concepcion Aguila upang maiwasan ang mga aksidente habang idinaraos ang prusisyon.
Nabatid na regular na isinasasagawa ng Meralco ang Anti-Urban Blight campaign upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang kalidad ng serbisyo nito sa mga customer. | ulat ni Diane Lear