Ipagpapatuloy lang ng Young Guns bloc sa Kamara ang momentum ng kanilang pagtatrabaho hanggang sa magsara ang 19th Congress.
Ito ang inihayag ng mga mambabatas kasunod ng naitalang record breaking legislative productivity ng Kamara sa pagtatapos ng 2024.
Mula nang magbukas ang 19th Congress, nasa 13,454 na panukalang batas at resolusyon na naihanin ng Kamara kung saan 166 dito ang naging ganap na batas.
“Processing an average of 12 measures per session day is a reflection of this Congress’ unparalleled commitment to legislative excellence. The passage of 166 Republic Acts—73 national and 93 local laws—proves that the Filipino people are at the heart of everything we do,” punto ng Young Guns.
Giit ng Young Guns, na naging posible ito dahil sa nagawa ni Speaker Martin Romualdez na pagkaisahin ang kapulungan.
Anila, gaya ng lider ng Kamara, ang bawat mambabatas, saan mang distrito o partido kabilang ay masigasig na nakikiisa sa pagtiyak na makakapagpasa ang Kamara ng mga panukala na makakatulong sa pagpapabuti ng buhay ng kani-kanilang mga constituent.
Patuloy din anila silang magiging aktibo sa pakikibahagi sa mga imbestigasyon bilang bahagi ng oversight function ng Kapulungan.
Kabilang sa miyembro ng Young Guns ng 19th Congress sina Reps. Jay Khonghun (Zambales), Paolo Ortega V (La Union), Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur), Jil Bongalon (Ako Bicol Party-list), Rodge Gutierrez (1-Rider Party-list), Pammy Zamora (Taguig), Margarita “Migs” Nograles (PBA Party-list), Cheeno Miguel Almario (Davao Oriental), Ernesto “Ernix” Dionisio Jr. (Manila), Lordan Suan (Cagayan de Oro City), Mikaela “Mika” Suansing (Nueva Ecija), at Inno Dy V (Isabela). | ulat ni Kathleen Forbes