Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) na 124 na dayuhan ang tinanggihang makapasok ng bansa sa iba’t ibang pantalan noong 2024 dahil sa pagiging bastos at kawalan ng galang sa mga immigration officer.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, mas mataas ang bilang na ito kumpara sa 64 na banyagang na-deport noong 2023. Bukod sa hindi pinayagang makapasok, isinama rin sila sa blacklist ng BI, kaya’t hindi na sila maaaring bumalik pa sa Pilipinas.
Nagbabala si Viado na ang kawalang-galang sa mga opisyal ng immigration ay isang insulto sa awtoridad at may kaakibat na parusa, kabilang ang agarang pagpapalayas sa bansa.
Isa sa mga insidente ay ang kaso ng isang 34-anyos na New Zealander na dumating sa NAIA Terminal 3 noong Pebrero 9 sakay ng Cebu Pacific flight mula Melbourne. Dahil sa hindi niya pagkumpleto ng eTravel form, pinayuhan siyang punan ito upang hindi makaabala sa pila. Gayunman, tumanggi siya at nagmura pa laban sa opisyal ng immigration, sabay pagmamayabang na makakapasok pa rin umano ito sa bansa. Natuklasan ding lasing ito at patuloy na nagpakita ng bastos na asal.
Dahil sa kanyang pagwawalang-bahala sa mga regulasyon at ipinakitang ugali, agad siyang pinabalik sa pinanggalingang bansa at inilagay sa blacklist ng BI.
Muling iginiit ni Viado na bagamat bukas ang Pilipinas sa mga dayuhang bisita, kailangang igalang ng lahat ang mga batas at patakaran sa pagpasok sa bansa. | ulat ni EJ Lazaro