Target ng Department of Transportation (DOTr) na maitayo ang nasa 200 social at farm-to-market ports sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang bahagi ng Build, Better, More Program ng administrasyong Marcos Jr.
Sa idinaos na Japan Transport and Tourism Research Institute ASEAN-India Regional Office Logistics Symposium, sinabi ni Transportation Undersecretary for Maritime Elmer Sarmiento na patuloy na isinusulong ng ahensya ang modernisasyon ng maritime sector sa bansa.
Aniya, makatutulong ang mga bagong pantalan sa pagpapalakas ng connectivity ng mga isla at pagsusulong ng ekonomiya, lalo na sa mga rural at coastal areas.
Kasama sa programa ang pagpapaunlad ng mga pantalan at masuportahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa mga malalayong lugar.
Ibinahagi rin ni Usec. Sarmiento ang ₱16.9 bilyon na New Cebu International Container Port na layong mapataas ang cargo handling capacity ng lalawigan at maibsan ang pagsisikip sa Cebu Baseport area. | ulat ni Diane Lear