Kasunod ng mas pinaigting na kampanya laban sa ‘illegal aliens sa bansa, may 57 foreign nationals ang pina-deport ng Bureau of Immigration dahil sa iba’t ibang kaso ng paglabag.
Ayon sa ahensya, ito ay base na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na palakasin pa ang border security at ipatupad ang immigration laws nang walang anumang kompromiso.
Ang nasabing mga deportee ay pinauwi mula January 31 hanggang February 5 lulan ng iba’t ibang flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Paliwanag ng BI, ang nasabing mga dayuhan ay kabilang sa 450 foreign nationals na naaresto noong Enero dahil sa paglabag sa mga batas sa bansa partikular ang mga sangkot sa illegal POGO activities.
Dahil dito ay iginiit ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang kanilang “zero-tolerance stance” laban sa mga dayuhan na nananamantala sa pagiging ‘hospitable’ ng Pilipinas para lang makagawa ng iligal na aktibidad.
Base sa listahang inilabas ng BI, ang mga pina-deport ay kinabibilangan ng 46 Chinese, isang (1) Malaysian, pitong (7) Myanmar nationals at tatlong (3) Vietnamese. | ulat ni Lorenz Tanjoco