Balak ihain muli ni dating Sen. Panfilo Lacson ang panukalang batas na tutupad sa probisyon ng Saligang Batas laban sa mga political dynasty.
Sa pulong balitaan kasama ang senatorial candidates ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, sinabi ni Lacson na makailang ulit na siyang naghain ng panukala para idetalye ang degree of affinity o consanguinity na sakop ng political dynasty ngunit hindi umusad.
“Ilang beses ko fina-file yan, kada Kongreso file ako ng file. Madali naman mag-file, copy paste lang naman yan. Ifa-file ko uli, sana umusad naman,” ani Lacson
Ipinunto ni Lacson na hanggang ngayon, wala pa ring depinisyon ng political dynasty, kung kaya’t wala pa ring enabling law.
Kaya umaasa siya na masusuportahan ito ng Kamara at Senado.
Sinusugan ito ni isa pang kandidato ng Alyansa na si dating DILG Sec. Benhur Abalos.
Aniya maganda kung maihambing din ito sa batas ng ibang bansa na may anti-political dynasty.
Nagpahayag din siya ng commitment na susuportahan ang panukala oras na maihain.
“If you could even benchmark it from a law in other countries kung meron bang anti-dynasty law rin sa ibang bansa much better so that we could really compare kung ito’y talagang very effective. But being it this way, since this is provided for by the constitution to have one in every law, ay talagang wala akong problema, gagawin po natin ang trabaho po natin.” giit ni Abalos.
Umusbong ang usapin matapos may maghain ng disqualificatiin case laban sa mga Tulfo na pawang magkakasabay na tumatakbo sa halalan ngayong Mayo sa magkakaibang posisyon. | ulat ni Kathleen Forbes