Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang dalawang indibidwal na nagpapanggap na magka-opisina na magbabakasyon sa ibang bansa.
Ayon sa BI, ito ay bahagi ng tinatawag nilang phony employee scheme.
Base sa report ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) na ang dalawang babae ay edad 25 at 31, ay nagtangkang makalusot bilang co-workers on leave, at patungo sanang Bangkok, Thailand.
Kwento ng dalawa, sila ay nagtatrabaho bilang mga call center agent para sa isang BPO sa Quezon City, at babiyahe bilang mga turista.
Subalit nang ipakita na umano ang mga dokumento ay napansin na ng mga otoridad ang ibang laman, kumpara sa kwento ng mga ito.
Dagdag ng BI, matapos ang kanilang pang uusisa ay napaamin nila ang dalawa na hindi tlaga sila magka opisina at sila ay ni-recruit na magtrabaho sa Laos kung saan sila ay magiging mga customer service representative (CSR), at pinangakuan ng P50,000 na sweldo kada bwan.
Inamin din ng dalawa, na nagbayad sila ng tig P3,000 sa mga fixer na nakilala nila online para sa mga dokumentong kanilang dala.
Dahil dito ay binalaan ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang publiko hinggil sa scam hubs sa Asian countries, kung saan target umano ang Pilipino.
Paliwanag ng opisyal, na ang naturang mga sindikato ay nang aakit ng mga biktima sa pamamagitan ng high-paying call center jobs, kung saan sa huli ay pupwersahin ang mga ito na pagawin ng mga trabahong iligal. | ulat ni Lorenz Tanjoco