Pinapurihan ng Bureau of Immigration (BI) ang matagumpay na operasyon laban sa isang sindikatong namemeke ng departure stamps.
Nitong Pebrero 14, tatlong suspek ang inaresto ng Manila International Airport Authority Airport Police Department (MIAA-APD) sa isinagawang entrapment operation nito.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang pagkilos laban sa ganitong modus ay mahalaga sa seguridad ng bansa at alinsunod sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang border management.
Napag-alaman na naniningil umano ng hanggang ₱120,000 ang sindikato upang lagyan ng pekeng selyo ng immigration ang mga biktima na pinalalabas na turista ngunit patungong ibang bansa para magtrabaho.
Kinumpirma ng forensic documents laboratory ng BI na peke ang ginamit na selyo sa dalawang babaeng biktima.
Nagpasalamat si Viado sa MIAA-APD sa mabilis na aksyon at tiniyak na magpapatuloy ang kampanya laban sa mga mapagsamantalang grupo na nagpapahina sa integridad ng immigration system. | ulat ni EJ Lazaro