Inihayag ng Philippine Army na sesentro sa command-and-control ang isasagawang pagsasanay sa ikalawang Combined Arms Training Exercise (CATEX) “Katihan” 2025.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Army Commanding General Lt. Gen. Roy Galido na tinatayang 6,000 tropa ng militar ang lalahok at gagamit ng iba’t ibang sandata tulad ng tangke at artillery.
Ayon kay Galido, susubukin ng pagsasanay na ito ang combat readiness at kakayahan ng Philippine Army na magsagawa ng mahahalagang operasyon.
Pinalawak din ng Philippine Army ang saklaw ng CATEX “Katihan” 2025 dahil hindi na lang sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija ito isasagawa ngayong taon, kundi pati sa Camp Kibaritan sa Bukidnon at Camp Gen. Mariano Peralta sa Jamindan, Capiz.
Tampok din sa military exercise ang paggamit ng typhoon missile system ng Estados Unidos at magkakaroon din ng live-fire exercise na magpapakita ng kakayahan ng Philippine Army pagdating sa land force maneuvers.
Ang CATEX “Katihan” 2025 ay isasagawa mula Marso 3 hanggang Marso 12. | ulat ni Diane Lear