Tinaasan pa ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang coverage rate nito para sa hospitalization ng mga pasyente na tatamaan ng sakit na dengue.
Ito ang tugon ng PhilHealth kasunod ng naitatalang pagtaas muli ng bilang ng mga nagkakasakit ng dengue batay sa datos ng Department of Health (DOH).
Ayon sa pangunahing state insurer, ginawa nang ₱47,000 ang hospitalization cost para sa severe dengue mula sa dating ₱16,000 lamang
Buhat naman sa dating ₱10,000 ay tinaas pa ng PhilHealth sa ₱19,500 ang hospitalization cost para naman sa kaso ng mild dengue.
Ayon sa PhilHealth, ang bagong package na ito para sa dengue ay kabilang sa mga pinabuti nilang serbisyo mula pa noong isang taon alinsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kasabay nito, pinaalalahanan naman ni PhilHealth President at CEO, Dr. Edwin Mercado ang publiko na gawin pa rin ang ibayong pag-iingat at kagyat sumangguni sa mga doktor sakaling makaranas ng sintomas ng dengue. | ulat ni Jaymark Dagala