Labis na ikinalungkot ng Council for the Welfare of Children (CWC) ang nag-viral na video ng pang-aabuso sa isang batang babae kung saan ang sangkot ay mga kapwa bata rin.
Sa inisyal na ulat mula sa Malolos Local Government, naganap di umano ang insidente sa Brgy. San Gabriel noong January 30 kung saan ay isang 13-anyos na bata di umano ang naging biktima, habang anim na menor de edad ang sangkot sa panggugulpi.
Ayon kay CWC Executive Director Undersecretary Angelo Tapales, nakakalungkot ang mga pangyayari na mismong bata ang nakakapinsala sa kapwa bata.
Sa panig ng CWC, habang nakatutok sila sa iba’t ibang kaso ng child abuse, at child sexual abuse ay pinaiigting rin ang kolaborasyon sa mga partner gaya ng mga eskwelahan para mapalakas ang child protection committees at anti bullying council.
Palalakasin din ng CWC ang pakikipag-ugnayan sa mga LGU hanggang sa mga barangay para maiwasang maulit ang mga ganitong insidente.
Patuloy naman ang panawagan ng ahensya sa mga magulang na bantayan at pangalagaan ang mga anak.
Una na ring iniulat ng Malolos LGU na nagbigay na ito ng intervention sa batang biktima.
Bibigyan din ng spiritual at moral values formation counselling ang mga magulang at mga bata, at makikipag-ugnayan din sa kanilang mga paaralan. | ulat ni Merry Ann Bastasa