Para kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, tila artipisyal lang ang taas ng presyo ng bigas sa merkado.
Paliwanag ni Pimentel, kung kayang ipamigay ng mga pulitiko ng libre ang mga bigas ibig sabihin ay maraming suplay kaya dapat ay mababa rin ang bentahan nito sa mga pamilihan.
Dahil dito, hinhikayat ng senador ang Department of Agriculture (DA) at ang Department of Trade and Industry (DTI) na silipin ang sitwasyong ito.
Samantala, sang-ayon naman ang minority leader sa pagdedeklara ng food security emergency.
Aniya, bagamat temporary remedy lang ito ay mabuti ito para maiwasang mabulok at hindi magamit ang mga bigas na nakaimbak sa mga warehouse ng National Food Authority (NFA).
Sinabi ng senador na sa pamamagitan ng deklarasyon ay magkakaroon ng legal na otoridad ang NFA na mailabas ang mga rice stocks.
Matapos nito, umaasa si Pimentel na ang malilikom ng NFA na benta ay gagamitin nila sa pagbili ng bigas ng mga lokal na magsasaka sa ganitong paraan aniya ay kapwa magbebenepisyo ang mga rice farmers ng bansa at ang mga pinoy consumers. | ulat ni Nimfa Asuncion